ILOCOS SUR- Patay ang dalawang babai at sugatan naman ang isang lalaki sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa national highway sa Brgy. Sagat, Sta. Cruz ng lalawigang ito nitong Linggo, Hunyo 29.
Ayon sa Sta. Cruz Municipal Police Station, ang mga nasawi ay ang 28-anyos driver ng Honda Click motorcycle na residente ng Brgy. Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur at ang 28-anyos na babae na angkas nito na residente ng Brgy. Nagrebcan, Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Sugatan naman ang 34-anyos na driver ng Yamaha NMAX na residente ng Brgy. Pulot, Lagayan, Abra.
Bumibiyahe papuntang timog na direksyon ang Honda Click samantalang papunta naman ng kabilang direksyon ang Yamaha NMAX.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, tinangka ng driver ng Honda Click na mag-U-turn na eksakto naman nasabay sa pagdating ng Yamaha NMAX na napakabilis ang takbo.
Bagama’t tinangka ng driver ng Yamaha NMAX na iwasan ang Honda Click, hindi pa rin napigilan ang banggaan ng dalawang sasakyan.
Ang tatlo na pawang mga sugatan ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa naturang bayan.
Gayunman, ang driver ng Honda Click at angkas nito ay hindi na nagawang isalba pa ng mga doktor. Rolando S. Gamoso