Home METRO Pagpasok ng lalaking nagnakaw sa kanyang kapitbahay, buking sa CCTV

Pagpasok ng lalaking nagnakaw sa kanyang kapitbahay, buking sa CCTV

MANILA, Philippines – Buking sa CCTV ang isang lalaki, makaraang pasukin at pagnakawan ang kanyang kapitbahay sa Caloocan City.

Agad din namang naaresto ang suspek na si alyas Lupin ng Barangay 8 ng nasabing lungsod.

Sa ulat, hatinggabi nang pasukin ng suspek ang bahay ng biktimang si alyas Jose sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana at doon ay tinangay ang mamahaling relo na nakapatong sa ibabaw ng refrigerator habang mahimbing na natutulog ang mga tao sa nasabing bahay.

Naalimpungatan sa pagtulog si Jose dahil sa ingay ng pagbagsak ng kaldero kung kaya’t agad itong bumangon at tinungo ang pinagmulan ng nasabing ingay.

Kitang-kita ng biktima ang nasabing suspek habang papatakas mula sa dinaanang bintana.

Agad na ipinagbigay-alam ng biktima sa mga awtoridad ang pangyayari at inaresto ang suspek na hindi na nagawang itanggi ang kanyang ginawa dahil sa kuha ng CCTV na nakakabit sa loob ng bahay.

Nasa kustodiya ng pulisya sa ngayon ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa sa kanya ng kanyang kapitbahay. Rene Manahan