Nasakote ang dalawang high value target (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) sa pakikipagtulungan ng District Intelligence Division (DID) at Taguig City police Sub-Station 9 Miyerkules ng gabi, Enero 15.
Kinilala ni SPD director PBGEN Manuel J. Abrugena ang mga nadakip na suspects na sina alyas Sheila, 27, at isang alyas Michael, 33, kapwa HVI.
Base sa report na isinumite ng DDEU kay Abrugena, matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation dakong alas 11:10 ng gabi malapit sa isang convenience store na matatagpuan sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱680,000 shabu, 1 android smartphone at ang ₱1,000 na ginamit sa buy-bust operation na nakapaibabaw sa 49 pirasong tig-₱1,000 counterfeit bills.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU. (James I. Catapusan)