MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na hindi rehistrado ang dalawang bus na may larawan ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson kaya agad itong inimpound.
Ayon sa LTO, naharang ang dalawang bus noong Hulyo 19 habang patungo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Napansin ng mga awtoridad na gumagamit ang mga ito ng improvised na plaka at bumiyahe kahit hindi rehistrado.
Sinabi ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi mahalaga kung sino ang may-ari ng sasakyan, kundi kung sumusunod ito sa batas. Aniya, walang espesyal na pagtrato sa sinumang lalabag sa batas trapiko.
Hindi direktang pinangalanan ng LTO ang politiko, ngunit kapansin-pansin na nakalagay ang mukha ni Chavit Singson sa dalawang bus. RNT/MDS