Home METRO 2 call center agents nasakote sa P28M marijuana bricks

2 call center agents nasakote sa P28M marijuana bricks

ROXAS, Isabela – Nagmistulang teleserye na naghabulan ang mga kapulisan at mga suspek sa Comelec checkpoint matapos na mahuli ang dalawang call center agents na nasamsaman ng  mahigit P28 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Brgy. Centro, Mallig, Isabela.

Iprinisinta nina PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, PMaj. Christian Arc Caoili, hepe ng Roxas Police Station, at iba pang opisyal ang dalawang suspek na kinilalang sina Jayson Romel Buenaventura, 30-anyos, binata at Richard Roi Adriosula, 30-anyos, binata na kapwa residente ng Mandaluyong City.

Dakong alas-10:30 kagabi nang masita ng pulisya ang mga suspek sa nakalatag na Comelec checkpoint na kanilang tinakasan mula sa Brgy. Bantug, Roxas, Isabela at naabutan sila sa Bgry. Centro, Mallig, Isabela dakong alas-12:55 kaninang madaling araw ng pinangsanib na pwersa na pinangunahan ng Roxas Police Station, RDEU, Mallig PS, Quezon PS, 3rd Platoon 1st IPMFC, 201st MC RMFB2, RPIO, PIU-IPPO, PIDMU PDEU-IPPO, PDEG, RIU2, at RMU2 sa matagumpay na operasyon.

Habang nakalatag ang Comelec checkpoint ng pulisya ay sinita nila ang sasakyan na Toyota Fortuner na may plakang NHM 9054 na kulay itim kung saan ay binangga nila ang barikada ng nasabing checkpoint at patrol car kung kaya’t hinabol nila ang mga suspek na lulan ng nasabing sasakyan.

Nasamsam ang 222 marijuana bricks na nagkakahalaga ng P26 milyon at 19 na piraso na nakarolyo na may bunga at bulaklak ng nasabing pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2. 280 milyon at isa pang granada.

Labis namang pinuri ni PCol. Bauding ang matagumpay na operasyon sa pagtalima ng kapulisan sa pinaigting na kampanya sa illegal drugs.

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek habang inihahanda na ang kanilang kasong may kinalaman sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A 9516 dahil sa pagbitbit ng granada. Rey Velasco