MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang lalaking Chinese sa umano’y pamamaril sa isang lalaking Filipino sa Makati City, iniulat ng Southern Police District (SPD) nitong Biyernes, Hunyo 27.
Sa pahayag, kinilala ng SPD ang mga suspek na sina “Xunjun,” 36, at “Liquan,” 44.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente nitong Huwebes ng gabi sa parking lot ng isang mall sa Amorsolo Street sa Barangay Pio del Pilar.
“The victim, Filipino national alias Christopher, a 40-year-old male, was inside his black Toyota Fortuner preparing to exit the parking lot when a male assailant suddenly opened fire. Multiple shots hit the vehicle. Fortunately, the victim survived,” paliwanag ng SPD.
“The victim’s SUV (sports utility vehicle) sustained four visible bullet impacts: two on the left rear passenger window, one on the front passenger door, and one on the right door frame,” dagdag pa.
Ayon sa SPD, iniimbestigahan pa ang motibo sa pamamaril, immigration status ng mga suspek at posibleng kaugnayan ng mga ito sa crime groups.
Narekober ng mga awtoridad ang caliber .40 pistol na may magazine, 9mm submachine gun na may dalawang kargadong magazines, at apat na cartridge cases.
Nakuha rin sa mga ito ang dalawang chef knives, isang tactical knife, fan knife, martilyo, duct tape, double-sided tape, at itim na bag.
Nasa kustodiya ng Makati police ang mga naarestong suspek at naghihintay na masampahan ng reklamong attempted murder at paglabag sa Republic Act 10591, o Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT/JGC