Home NATIONWIDE Transport group dismayado sa pagpapatigil sa fuel subsidy program

Transport group dismayado sa pagpapatigil sa fuel subsidy program

MANILA, Philippines – Binatikos ng transport group na Manibela ang gobyerno nitong Huwebes, Hunyo 26, dahil sa pagpapahinto ng fuel subsidy program, kahit na ramdam ng mga jeepney driver at operator ang ikalawang yugto ng dagdag presyo ng petrolyo na itinakda sa linggong ito.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi na kailangan pang ipamahagi ang fuel subsidy dahil nagsimula nang bumaba ang presyo ng langis.

Ngunit nanindigan si Manibela Chairman Mar Valbuena na hindi pa ito sumasalamin sa presyo ng domestic fuel, kaya dapat pa ring ibigay ang subsidy sa ngayon.

“Parang inuuto na lang tayo kasi last week, wala pa yung P5 na increase (sa diesel), pinag-uusapan na ‘yung fuel subsidy. Tapos nandito na yung P5 na increase, pero wala pa rin pala, babawiin niyo rin pala,” sabi niya.

“Kung bababa ang presyo ng krudo, sa susunod na tranche wag na kaming bigyan. Pero itong linggo na ‘to na nagtaas siya yun dapat ‘yung mabawi natin,” dagdag pa ni Valbuena.

Ngunit tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) sa sektor ng pampublikong transportasyon na handa nitong simulan ang pamamahagi ng subsidies sa gasolina kung matugunan ang kondisyon para sa pag-activate nito.

“Klarong-klaro po kasi ang probisyon ng batas. Pwede lang nating magamit ang fuel subsidy budget pagka pumalo ng $80 per barrel ang (Dubai crude) oil,” paliwanag ni DOTr Secretary Vince Dizon sa isang press briefing sa Malacañang.

“Wag po silang mag-aalala, nandito po ang pondo ng gobyerno. Ready na po tayong i-distribute at ito po ang utos ng ating pangulo na kapag kinakailangan na, ayon sa probisyon ng batas, e mabilisan nating idi-distribute ito… Walang delay dito. Talagang papaspasan natin, isi-simplify natin ang proseso para makuha kagad ang fuel subsidy,” dagdag pa niya. RNT/MND