Home NATIONWIDE 2 Chinese nationals huli sa illegal na armas sa Cavite

2 Chinese nationals huli sa illegal na armas sa Cavite

MANILA, Philippines – Naaresto ang dalawang Chinese national matapos makuhanan ng hindi lisensyadong armas at ilang rounds ng ammunition, matapos makipaghabulan sa pulisya sa Bacoor City, Cavite nitong Linggo, Mayo 4.

Sa report nitong Lunes, sinabi ng Region 4A na nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga awtoridad madaling araw nang harangin nila ang isang pickup truck na may improvised plate number.

Hindi pinansin ng drayber ang pagpapatigil ng mga pulis at humarurot, dahilan para maalerto ang mga awtoridad.

Kalaunan ay nakita ng mga rumespondeng unit ang sangkot na sasakyan at sinubukan itong pahintuin ngunit sa halip na huminto ay muli itong tumakas.

Nauwi sa habulan ang naturang pagtakas na kalaunan ay naharang ang sasakyan sa Bacoor Boulevard intersection sa Barangay Bayanan.

Dito ay sinubukan ulit na tumakas ng drayber at muntik pang mabangga ang isang pulis.

Pinaputukan ng mga awtoridad ang gulong ng sasakyan dahilan para mapigilan ang pagharurot nito para tumakas.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina “Huang,” 27, ng Pasay City, at “Zhao,” 29, ng Paranaque City, kapwa Chinese.

Narekober mula sa sasakyan ang isang Bersa Thunder .380 pistol na kargado ng apat na bala; tatlong kahon na naglalaman ng 60 rounds ng 5.56 mm rifle ammunition; 45 rounds ng 9mm pistol ammunition; dalawang rifle scopes; tatlong vehicle plate numbers; limang mobile phones; at assorted identification cards.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa reklamo, kabilang ang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa insidente. RNT/JGC