MANILA, Philippines – Isasalang sa drug test ang driver ng SUV na nang-araro ng mga tao sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa, sinabi ng Department of Transportaion (DOTr).
Ayon sa ahensya, ang drug test at review sa lahat ng CCTV footage ng insidente ay bahagi ng full at impartial investigation kasama ng Manila International Airport Authority (MIAA) at law enforcement agencies.
Gayunman, ipinunto ng ahensya na ang driver ay walang planong makapanakit ng biktima base sa inisyal na assessment.
Sa pahayag ng DOTr, sa inisyal na pagsusuri ng CCV footage, ipinakikita na ang driver ng SUV ay nagbaba ng pasahero na nagpapahiwatig na walang pinag-isipang planong magdulot ng pinsala sa mga pasaherong nasa NAIA.
Sa kabila nito ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.
Nasawi sa insidente ang isang limang taong gulang na bata at ang 29-anyos na lalaki habang apat na iba pa ang nagtamo ng injuries na dinala sa mga ospital.
Umapela ang DOTr sa publiko na igalang ang pamilya ng mga biktima at iwasan ang pag-share ng mga photos at videos ng mga insidente sa social media.
Samantala, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang drivers’ license ng motorista sa likod ng insidente.
Naglabas ng show cause order ang LTO laban sa registered owner ng sasakyan at sa driver.
Sa ulat, sinabi ng LTO na inihayag ng driver ng SUV sa pulisya na aalis na sana ito matapos magbaba ng pasahero sa departure area ng NAIA nang biglang may dumaan sa harapan niyang sasakyan. Jocelyn Tabangcura-Domenden