Home NATIONWIDE 2 dayuhan arestado ng BI sa magkasunod na operasyon

2 dayuhan arestado ng BI sa magkasunod na operasyon

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng intelligence operatives ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Iranian at isang Amerikano sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Pampanga at Isabela.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang naarestong Iranian na si Amirhossein Moghaddasi, 52, sa loob ng Clark Civil Aviation Complex sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Nabatid na si Moghaddasi ay naaresto noong Pebrero 6 matapos makatanggap ng reklamo ang mga operatiba ng BI intelligence laban sa nasabing dayuhan. Iginiit ng reklamo na si Moghaddasi, sa kabila ng pagkakaroon ng valid working visa, ay nagtatrabaho sa isang kumpanya maliban sa kanyang petitioner.

Ayon sa BI, sinubaybayan ng kanilang mga si Moghaddasi, at kalaunan ay nakumpirma na siya ay talagang nagtatrabaho sa Clark matapos ang kanyang nakaraang kumpanya ay tumigil na sa operasyon.

Samantala, iniulat din ni Viado ang pagkakaaresto kay James Brian Dunlap, 68, noong Pebrero 10 sa Brgy. Silawit, Cauayan City sa Isabela.

Napag-alamang nag-overstaying si Dunlap sa bansa ng halos 25 buwan bilang paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.

Parehong inaresto sina Moghaddasi at Dunlap at inilipat sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. Nahaharap ang dalawa sa mga kasong deportasyon at mananatili sa kustodiya ng BI hanggang sa implementasyon ng kanilang pagpapaalis sa bansa. JR Reyes