Home NATIONWIDE 2 dayuhang sex offenders ipatatapon ng BI

2 dayuhang sex offenders ipatatapon ng BI

MANILA, Philippines – NAKATAKDANG ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhang pedophile na tinaguriang undesirable alien na naaresto sa magkahiwalay na operasyon.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga dayuhan ay inaresto ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI sa Pampanga at Taguig.

“They will be deported immediately and will be placed in our blacklist, banning them from re-entering the Philippines,” ani Viado.

Inaresto noong Oktubre 16 ang American pedophile na si Joseph John Graham, 76, sa Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga.

Si Graham ay may warrant of arrest na inisyu ng 19th judicial court ng Indian River County, Florida kung saan siya ay kinasuhan ng 55 bilang ng child pornography.

Nahaharap ito sa isang deportation charge sa BI, ngunit mananatili sa ilalim ng physical custody ng National Bureau of Investigation habang ang mga karagdagang kaso ay binabantayan laban sa kanya.

Nabatid na noong Oktubre 16 din, hinarang ng mga tauhan ng tanggapan ng BI SM Aura sa Taguig ang British national na si Ryan Ashley, 50, sa kanyang pagtatangka na palawigin ang kanyang tourist visa.

Si Ashley ay isang rehistradong sex offender na nahatulan sa United Kingdom noong 1994 at 2002 para sa maramihang mga sekswal na pagkakasala, kabilang ang malaswang pag-atake sa mga menor de edad.

Parehong inaresto sina Graham at Ashley bilang bahagi ng kampanyang #Shieldkids ng BI, na nakatuon sa pagpapatapon sa mga child sex offenders at sex tourist. Jay Reyes