CEBU CITY- SABOG ang bungo ng isang lolo matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nagpapakain ng kanyang mga manok na panabong, kahapon ng umaga sa bayan ng Carcar.
Kinilala ang biktimang si Emmanuel Alcuizar, 65, Sityo Laray Baracca, Brgy. Poblacion 3, ng nasabing lungsod.
Batay sa report ng Carcar City Police Station, bandang 5:40 AM noong Huwebes naganap ang krimen sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapakain ang biktima ng mga manok ng biglang sumulpot ang suspek sakay ng motorsiklo.
Dito, walang babalang pinagbabaril ang biktima sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na tumakas ang suspek.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek./Mary Anne Sapico