Home NATIONWIDE 2 dedo sa malakas na pagpapatugtog

2 dedo sa malakas na pagpapatugtog

BACOLOD CITY – Patay ang isang 49-anyos na lalaki at kamag-anak nito habang tatlong iba pa ang nasugatan ng kanilang kapitbahay sa alitan dahil sa malakas na pagpapatugtog sa Purok Florenceville, Barangay Pahanocoy dito noong Miyerkules ng gabi, Nob 20.

Kinilala ni Police Capt. Greeky Cayao, pinuno ng Police Station 8, ang mga biktima na sina Richard Orita, 49, at Rolando Pigollo.

Sinabi ni Cayao na ang mga nasawi at ang mga anak ni Orita – sina Richelle, 29, at Richie, 27 – ay nag-iinuman at nagpapatugtog ng malakas na musika sa kanilang bahay nang hilingin sa kanila ng 67-anyos na suspek, isang construction worker, na bawasan ang volume ng kanilang musika.

Pinuntahan ng mga biktima ang bahay ng suspek at pinaghahampas ito ng bato sa ulo.

Nagalit ang suspek at inatake ang mga biktima gamit ang isang bolo.

Nagtamo si Orita ng dalawang saksak sa dibdib at si Pigollo ay nagtamo ng saksak sa tiyan. Dinala sila sa isang ospital kung saan sila ay binawian ng buhay.

Nagtamo si Richelle ng tatlong saksak sa tiyan at si Richie naman ay nagtamo ng saksak sa binti. Dinala din sila sa isang ospital kung saan sila nagpapagaling.

Naaresto ang suspek at narekober sa follow-up operation ang armas na pampatay.

Sasampahan ng kasong homicide ang suspek na nasa hospital arrest dahil sa mga pinsalang natamo nito sa kaguluhan. RNT