MANILA, Philippines – Nilusob ng mga awtoridad ang dalawang drug den na matatagpuan sa Calape, Bohol at Cebu City nitong Biyernes, Pebrero 7.
Nagdulot ang operasyon sa pagkakakumpiska ng P154,020 halaga ng illegal na droga.
Unang nilusob ng mga awtoridad ang hinihinalang drug den sa Sitio Lumbang, Barangay Sta. Cruz sa Calape, Bohol bandang 7:04 ng gabi kung saan naaresto ang tatlong indibidwal kabilang ang drug den maintainer na kinilalang si alyas “Noel.”
Ang 56-anyos na suspek ay nagtatrabaho bilang mekaniko.
Nahuli rin sa drug den sina “Irvin,” isang 26-anyos na security guard, at alyas “Noel,” 26.
Nakumpiska sa mga ito ang hinihinalang shabu na tumitimbang ng 11 gramo at nagkakahalaga ng P74,800.
Samantala, naaresto rin ang 63-anyos na cook na sumasaydlayn bilang drug den maintainer kasama ang partner nito at kapatid sa operasyon sa Sitio Lubi, Barangay Luz, Cebu City.
Isinagawa rin ng mga operatiba ang operasyon sa Cebu City kung saan binaklas ang drug den sa Sitio Lubi.
Nasamsam ng mga operatiba ang 11.65 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P79,220.
Ang anim na naaresto ay nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC