MANILA, Philippines – Mahigit 800 driver ang nasuspindihan o nabawian ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO) mula Oktubre ng nakaraang taon, ayon sa LTO noong Biyernes.
Sinabi ni LTO chief Markus Lacanilao na 434 lisensya ang binawi habang 396 lisensya naman ang sinuspinde mula nang siya ay maupo sa ahensya.
Ayon kay Lacanilao, layunin ng kampanya na mapabuti ang disiplina sa kalsada, maiwasan ang aksidente, at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Bahagi ng aming tungkulin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas-trapiko, at isa lamang ito sa mga konkretong tagumpay ng LTO.”
Sa 434 na binawing lisensya, 325 ang nakansela sa loob ng dalawang taon, 15 sa loob ng apat na taon, at 94 ang permanenteng binawi.
Samantala, sa 396 na nasuspindeng lisensya, 23 ang may isang buwang suspensyon, 290 ang tatlong buwan, 7 ang anim na buwan, 1 ang pitong buwan, at 75 ang isang taon.
“Ito ay patunay na patuloy na ginagawa ng ahensya ang mga hakbang upang matiyak na ang publiko ay mananatiling responsableng mga driver at mahigpit na susunod sa mga umiiral na batas-trapiko upang mapanatili ang kaligtasan sa lansangan,” ani Lacanilao. RNT/MND