MANILA, Philippines – Sa isinagawang buy-bust operation ng mga miyembro ng Taguig City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ay nadakip ang dalawang drug suspects na nakuhanan ng ₱105,740 bago magdilim ng Linggo, Nobyembre 10.
Sa report na isinumite ni Taguig City police chief P/Col. Joey Goforth kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Bernard Yang ay nakilala ang dalawang arestadong suspects na sina alyas Jimboy, 32, at isang alyas Jonie, 42.
Sinabi ni Goforth na nadakip ang dalawang suspects dakong alas 5:50 ng hapon sa ikinasang buy-bust operation ng SDEU sa Brgy. Western Bicutan.
Ayon kay Goforth, sa pagsasagawa ng operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ng siyam na transparent plastic sachets na naglalaman ng 15.55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱105,740, eyeglass pouch at ang ₱500 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa laboratory examination habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 Article II ng RA 9165 ang mga suspects sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan