MANILA, Philippines — Dalawang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) sa City of San Fernando district office ang sinibak matapos masangkot sa umano’y ilegal na transaksyon kung saan nailabas ang driver’s license nang hindi dumaan sa kinakailangang pagsusulit kapalit ng pera.
Batay sa mga dokumento, inaprubahan ni LTO Region 3 Director, retired Gen. Ronnie Montejo, noong Setyembre 10 ang rekomendasyon ng Regional Adjudication Action Board (RAAB) na sibakin ang dalawang opisyal. Ito ay isang administrative officer III at isang administrative officer IV.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang informant mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 3 ang nakakuha ng lisensya noong Enero 13 matapos umanong magbayad ng P30,000 sa pamamagitan ng fixer na si “John.”
Nabigyan ito ng lisensya nang hindi dumaan sa written at practical exams.
Ikinuwento ng mga informant na nakita nila mismo mula sa glass counter kung paano iniabot ni “John” ang pera sa tauhan ng LTO na umano’y ipinasa naman sa district chief.
Mariin namang itinanggi ng mga nasangkot ang paratang at iginiit na dumaan sa tamang proseso ang aplikante.
Ngunit ayon sa RAAB, “highly plausible” ang testimonya ng mga informant dahil mismong sa cashier’s glass-encased booth naganap ang transaksyon, na dinisenyo para sa transparency. Nabigong magsumite ng ebidensya ang mga respondent para pabulaanan ang paratang.
Nauna nang sinuspinde ng 90 araw ang dalawang opisyal noong Mayo 26.
Samantala, nahuli naman sa entrapment operation noong Enero 17 ang fixer na si “John” sa isang klinika malapit sa LTO office. Nakasuhan siya sa municipal trial courts sa San Fernando. RNT/JGC