LAGUNA, Philippines – Dalawang katao na hinihinalang tulak ng ipinababawal na gamot ang naaresto sa isinagawang buy- bust operation, matapos na makumpiskahan nang ilegal droga ng halagang 900K kahapon, Agosto 13, 2025 sa magkahiwalay na lugar sa Calabarzon.
Nauna umanong nagsagawa ng operasyon, dakong alas-7:00 kagabi sa Barangay Tejero, General Trias City, Cavite ang mga tauhan ng City Drug Enforcement Team Component City Police Station kung saan naaresto ang isang alyas “Tol” na itinuturing na High Value Individual (HVI) makaraan itong makumpiskahan ng tatlong heatsealed transparent plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu na may timbang na 75 gramo na tinatayang may standard price na Php510,000.00.
Samantalang nasakote naman, dakong alas-10:00 kagabi ng mga miyembro ng Tanay Municipal Drug Enforcement Team sa Barangay Plaza Aldea, Tanay, Rizal ang isang alyas “Putol” na kabilang din sa High Value Individuals (HVI) kung saan nakuhanan ito ng apat na heatsealed transparent plastic sachet na naglalaman ng ipinagbabawal na droga na may bigat na 60 gramo at may humigit kumulang na standard price na Php408,000.00.
Napag-alaman na ang mga narekober na ilegal droga sa magkahiwalay na lugar ay may kabuuang timbang na 135 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php 918,000.00.
Ayon sa pahayag ni BGen. Jack L. Wanky, Regional Director ng PRO Calabarzon kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng koordinadong aksyon at pakikipagtulungan ng komunidad sa kampanya laban sa iligal na droga.
“Ang mga tagumpay na ating nakakamit ay bunga hindi lamang sa koordinasyon ng ating mga yunit at walang kapantay na dedikasyon ng ating mga tauhan, kundi pati na rin ng masusing pangangalap ng impormasyon at aktibong pakikipagtulungan ng ating mga kababayan.” Ani BGen. Wanky.
Ang dalawang suspek na kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002), kung saan ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa magkahiwalay na lugar sa Tanay Rizal Municipal Police Station at General Trias Cavite City Police Station. /Ellen Apostol