MANILA, Philippines- Nadakip ng mga pulis sa Parañaque City ang dalawang suspek na nauna nang naaresto dahil sa pagpapanggap na may koneksyon sila sa First Family, sa illegal possession of explosives and firearms.
Sa ulat, sinabi ni Philippine National Police-Highway Patrol Group head P/Brigadier General Eleazar Matta na nasabat nila ang C-4 Explosive, guns, ammunition, mga patalim, posas, at tatlong bullet-proof vests mula sa mga suspek.
Sa press briefing, inihayag ni Matta na nasita ng HPG personnel ang isang itim na sport utility vehicle na walang rear license plate at gumagamit ng unauthorized blinkers sa kahabaan ng Filipinas Avenue noong Biyernes. Nabuking sa pag-inspeksyon sa sasakyan ang kontrabando.
Naaresto ang mga suspek matapos hindi makapagpakita ng kinakailangang dokumento para sa sasakyan at sa mga armas. Iginiit ng dalawa na mga miyembro sila ng Office of the President (OP).
“May kasama pa ‘to nung maano sila, masita, medyo naka-ano lang, naka-extricate lang, pero may kasama pa itong isang sasakyan” ayon sa ulat nitong Linggo.
Base kay Special Envoy on Transnational Crime Markus Lacanilao, lumabas sa background checks sa mga suspek na nasangkot ang mga ito sa kasong fraud, sa pagpapanggap na may kaugnayan ito sa First Family.
“Nagpapangap na konektado sa First Family at nanghihingi sa mga negosyante sa Cebu ng pera para sa approval ng kanilang, or continuation ng mga negosyo nila. In fact, nagpapanggap sila na undersecretary ng OP kaya talagang very serious ‘yung mga ginagawa nila,” pahayag ng opisyal sa parehong ulat.
“Baka nag-evolve siya sa mas malalim na criminal activity kaya may dala-dala siyang explosives. I will ask also the help of national security kasi wala namang sibilyan na makakapagdala ng C-4 at hindi ganon kadali na makapag-acquire o makakuha niyan. Totally bawal ‘yan. C-4, ginagamit ng mga terorista. How come na may dala-dala siyang ganyan?” dagdag niya.
Kabilang sa mga kasong kinahaharap ng mga suspek ang paglabag sa Republic Acts 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), 9516 (Unlawful Possession of Explosives), Possession of Bladed Weapons, Resisting Arrest, Disobedience to a Person of Authority, Concealing of True Name at Obstruction of Justice.
Ayon pa sa mga awtoridad, dati nang naaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang suspek sa pagpapanggap na konektado sa pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/SA