MANILA, Philippines- Makatatanggap ang mga Pilipino at iba pang foreign nationals ng kahalintulad na proteksyon gaya ng sa Israeli nationals sa gitna ng walang humpay na air barrage ng Iran.
Iniulat ni Ambassador Ilan Fluss na tatlong katao ang nasawi sa aftermath ng ‘retaliatory strikes’ ng Tehran na nagsimula noong Biyernes ng gabi kasunod ng military attack ng Israel, na naging dahilan ng pagkamatay ng Iranian top brass at tinarget ang nuclear sites.
“Israel is defending itself, and we have a lot of air defense systems that are operational. Unfortunately, of course, we do have missiles that did hit the targets in Israel,”ang sinabi ni Fluss.
“We have a lot of foreigners in Israel, including Filipinos, and we are giving the same safety (measures) that we give to Israelis to foreigners and Filipinos,” dagdag niya.
Sa ulat, hindi naman bababa sa apat na Pilipino ang nasugatan at isinugod sa ospital matapos ang isinagawang ganting air strike ng Iran sa Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega nitong Linggo, ang mga nasugatang Pinoy ay mula sa Rehovot, isang lungsod na nasa 20 kilometro sa timog ng Tel-Aviv.
“We were not sure if they were in the park or if lumabas sila ng bahay sa takot,” sinabi ni De Vega sa isang panayam.
Bukod sa apat, may 12 pang Pilipino ang nasa isang parke nang tumama sa lugar ang missile ng Iran.
Ayon naman sa Philippine Embassy sa Israel, isang Pinay ang nawalan ng tirahan at pansamantalang nanunuluyan sa hotel matapos tamaan ng mga missile ang Ramat Gan, kanluran ng Tel-Aviv, ayon sa Philippine Embassy in Israel.
“Nakaligtas siya sa kapahamakan dahil siya ay nasa loob ng isang bomb shelter o mamad nang bumagsak ang naturang missile,” sabi ng embahada sa isang post sa social media.
“Dahil nagdulot ng malaking pinsala ang missile sa bahay ng ating kababayan, inilikas siya at pansamantalang mamalagi sa isang hotel sa Tel Aviv,” ayon pa sa post.
“Magpapaabot pa ng karagdagang tulong at psychosocial support ang Embahada sa kaniya sa mga susunod na araw.”
Nire-review na rin ng Philippine Embassy sa Israel kung kinakailangang ipatupad ang boluntaryo o sapilitang repatriation para sa mga Pilipino sa mga susunod na araw.
Ayon kay De Vega, nasa 30,000 ang mga Pilipino sa Israel.
Samantala, sinabi ni Fluss na magpapatuloy ang operasyon ng Israeli Embassy sa Manila habang ina-assess nito ang sitwasyon sa ground.
“It’s not that the Israeli Embassy is closed. We’ll do an assessment, and we’ll see how we continue to operate in the coming days,” wika ng opisyal. Kris Jose