MANILA, Philippines – Nakatakas mula sa police detention cell ang dalawang high-profile inmates na nahaharap sa kasong statutory rape sa bayan ng Magpet, Cotabato nitong Biyernes, Mayo 16.
Ayon kay Lieutenant James Warren Caang, spokesperson ng Cotabato Police Provincial Office, pumuga ang mga inmate habang sila ay pansamantalang nasa labas ng kanilang prison cell para sa kanilang medical check-up sa kalapit na health facility matapos dumaing ng karamdaman.
Kinilala ni Caang ang mga tumakas na sina Anthony Oclao na uminda ng sakit ng tiyan, at si Ronnie Empoc, na may sore eyes naman umano.
Ang dalawa ay nahaharap sa reklamong statutory rape cases na isinagawa sa liblib na lugar sa Kidapawan City.
Naaresto ng pulisya ang dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon noong nakaraang buwan.
Si Oclao ay naaresto sa Barangay Datu Celo, habang si Empoc ay naaresto sa Barangay Pangao-an, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa Kidapawan City.
Nakatakas ang mga suspek sa pagtalon sa konkretong pader ng police station at tumakbo sa magkahiwalay na direksyon.
Nilinaw naman ng opisyal ng presinto na ang dalawa ay gwardiyado ng ilang miyembro ng Magpet police station at nakaposas.
Isinasagawa na ang hot pursuit operation sa ikaaaresto ng dalawa. RNT/JGC