Home NATIONWIDE Pulong pinatatakbo ni VP Sara sa pagka-Speaker o minority leader

Pulong pinatatakbo ni VP Sara sa pagka-Speaker o minority leader

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Sabado, Mayo 17, na nagbigay siya ng suhestyon sa kanyang kapatid na si reelected Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, na tumakbo bilang House Speaker o minority leader sa 20th Congress.

“Sinabihan ko si Congressman Pulong. Sabi ko sa kaniya, ‘Baka gusto mo lumaban ng Speaker.’ Hindi pa siya sumagot. Inisip din niya siguro ‘yung chances niya na manalo,” sinabi ni Duterte sa isang briefing.

“Sinabi ko sa kaniya, ‘Kung hindi ka manalo ng Speaker, then kunin mo ‘yung minority’… Wala akong candidate for Speaker or for Senate President. Wala din lumapit sa akin for Speaker or for Senate President,” dagdag pa niya.

Samantala, kumpiyansa naman ang mga ka-alyansa ni Speaker Martin Romualdez na mananatili ito sa opisina.

Ani Deputy Speaker David ”Jay-Jay” Suarez, nasa 240 kongresista ang pumirma ng manipesto ng suporta para kay Romualdez.

“Kung titignan natin sa numero at bilang pa lang, sigurado na po tayo na magpapatuloy si Speaker Martin Romualdez bilang Speaker ng Kongreso sa susunod na tatlong taon. We’re very confident with the support na pinakita ng mga partido,” pahayag ni Suarez.

Ang inisyatibo ay suportado ng mga mambabatas ng lahat ng major blocs kabilang ang Lakas-CMD, National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), at the Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI).

“Napaka-kritikal po ‘yung susunod na tatlong taon para sa ating bansa. At napakahalaga na stable at nakakaisa ang Kongreso behind our President Ferdinand Bongbong Marcos,” sinabi pa ni Suarez.

Samantala, nilinaw naman ni Suarez na ang pagpupulong ng party leaders noong Biyernes ay hindi para sa loyalty check.

“It’s more of a meet and greet,” aniya. RNT/JGC