Home METRO 2 kabaro, 3 kaanak sangkot sa pagpatay sa pulis

2 kabaro, 3 kaanak sangkot sa pagpatay sa pulis

PARANG, Maguindanao- Sumuko ang dalawang pulis habang tugis ang tatlo pa nilang kaanak na sangkot sa pamamaril-patay sa kanilang kabaro noong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang dalawang pulis na sumuko na sina Master Sgt. Aladdin Solaiman Ramalan at Master Sgt. Shariff Macarongon Balading habang tugis ang tatlo pa nilang kaanak na sina Bocari Ramalan, Uddin Ramalan at Pappo Ramalan.

Matatandaan na noong Sabado bandang alas-11 ng umaga sa loob ng palengke sa Barangay Poblacion 2, sinita ng biktimang si Police Captain Roland Moralde ng 14th Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang isa sa mga suspek na si Mohaliden Ramalan Untal na isang magbubuko dahil sa sukbit na baril.

Sa halip na sumuko na harapin ni Mohaliden si Moralde, mabilis itong tumakbo at humingi ng tulong sa kanyang mga kamag-anak.

Makikita sa kuha sa CCTV footage na pinagtulungang barilin ng mga suspek ang biktima gamit ang mataas na kalibre ng armas.

Ayon kay Parang Police chief Lieutenant Colonel Christopher Cabugwang, nagawa pang tumawag sa kanya ni Moralde hinggil sa insidente.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen ay narekober nila ang M16 rifle na ginamit ng mga suspek sa krimen.

Nakatakda namang sampahan ng kasong murder ang mga suspek habang patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng PNP. Mary Anne Sapico