QUEZON CITY, Philippines – Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang lalaking may mga nakaraang rekord sa krimen dahil sa umano’y ilegal na pagmamay-ari ng baril sa Brgy. Balingasa noong Setyembre 29, 2026.
Pinangunahan ang operasyon ni Acting District Director PBGEN Christopher Olazo sa pamamagitan ng La Loma Police Station (PS 1) sa ilalim ni Police Lt. Col. Jose Luis Aguirre.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “John,” 37, residente ng Brgy. Ramon Magsaysay, at alyas “Onal,” 21, residente ng Brgy. Unang Sigaw, kapwa sa Quezon City.
Bandang alas-10:50 ng gabi, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang residente tungkol sa dalawang indibidwal na umano’y may dalang baril at nagdudulot ng pangamba sa lugar. Naaresto ang mga ito bandang alas-11 ng gabi matapos makitang may hawak na improvised firearms.
Narekober sa kanila ang dalawang improvised na baril na kilala bilang “sumpak,” na kapwa may tig-isang bala ng 12-gauge shotgun.
Sa beripikasyon, lumabas na may mga naunang kaso si alyas “John” na homicide noong Abril 27, 2021 at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Marso 23, 2021. Si alyas “Onal” naman ay may mga naunang kaso na may kaugnayan sa Presidential Decree No. 1602 noong Abril 10 at Pebrero 26, 2025.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Hindi natin palalampasin ang anumang ulat tungkol sa ilegal na pagdadala at paggamit ng baril. Agad tayong kikilos, katuwang ang komunidad, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Quezon City,” sinabi ni PBGEN OLAZO. (SANTI CELARIO)