MANILA, Philippines – Sinibak bilang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang dalawang traffic enforcer na agad sumikat makaraang mag-viral sa social media ang kanilang ginawang pangongotong sa isang truck driver sa Sampaloc, Maynila.
Iprinisinta kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang dalawang traffic enforcer na kinilalang sina Emmanuel Yumul at Laurence Montana, kapwa nakatalaga sa Traffic Sector IV, makaraang matanggap nila ang kautusan na simula Hulyo 18, 2025 ay wala na silang kaugnayan sa MTPB at sa pamahalaang lungsod ng Maynila.
Binawi na rin ni MTPB Director Dennis Viaje ang identification card at uniporme ng dalawang traffic enforcer matapos nitong ilabas ang inisyung Cease and Desist Order.
Hinikayat naman ni Domagoso ang truck driver na kinotongan ng mga nasabing enforcer upang maghain ng criminal complaint laban sa mga ito.
Humingi rin ng paumanhin si Domagoso sa mamamayan ng Maynila hinggil sa ginawa ng mga sinibak na traffic enforcer at tiniyak ng alkalde na tuluy-tuloy ang gagawin nilang paglilinis sa kanilang hanay at pananatilihin nila ang umiiral na “one strike policy.”
“Maging takdang aral ito sa kawani ng pamahalaan, kapag nang-abuso kayo ay hindi kami mangingiming kayo ay tanggalin at kasuhan,” saad ni Domagoso.
Pinasalamatan din ng alkalde ang concerned citizen na kumuha ng video kung saan naaktuhan ang pangongotong ng mga traffic enforcer.