Home METRO 2 lalaking nag-uusap sa kubo niratrat ng tandem, todas

2 lalaking nag-uusap sa kubo niratrat ng tandem, todas

Bulacan – Dead on the spot ang dalawang lalaking nag-uusap sa isang kubo nang pagbabarilin umano ng riding-in-tandem sa bayan ng San Ildefonso.

Kinilala ang dalawang biktima na sina alyas Cedric, may-asawa, truck driver, residente ng Brgy. Pinaod at alyas Rustan, ng Brgy. Bulusukan.

Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang 4:52 ng hapon nitong Mayo 15 sa Brgy. Matimbubong.

Ayon sa report ng pulisya, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa concerned citizen na may nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar.

Dahil dito, agad rumesponde ang mga awtoridad sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang dalawang duguan at walang buhay na mga biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon, habang nag-uusap ang mga biktima sa kubo ay biglang dumating ang mga suspek na walang kaabog-abog na namaril ng paulit-ulit.

Agad nasawi ang mga biktimang tinamaan ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan habang tumakas sa direksyon ng San Rafael ang mga suspek lulan umano ng motorsiklo, ayon na rin impormasyon

Sinasabing nagsagawa na ng follow up investigation, hot pursuit, flash alarm at dragnet operation ang mga awtoridad sa naturang insidente. Dick Mirasol III