ISABELA, Philippines – Hinahanap ngayon ng pulisya ang dalawang lalaking naka-motorsiklo na umano’y pumatay sa isang aso sa Ramon, Isabela noong Abril 24, gamit ang CCTV footage para matunton ang kanilang plaka.
Ayon kay Ramon Police Chief Maj. Jay-ar Olya-on, isa sa mga suspek ang bumaril sa aso gamit ang 9mm pistol sa kahabaan ng Isabela–Alfonso Lista road sa Purok 6, Barangay Ambatali.
“We tracked CCTV footage from Ambatali showing that the suspects, who came from Alfonso Lista, Ifugao, passed through San Mateo, Cabatuan, and later Cauayan. We hope this will help as we continue tracing the plate number through the cybercrime laboratory,” ani Olya-on.
Patuloy ding iniimbestigahan kung may “persons of interest” na maaaring mula sa Alfonso Lista bago dumaan sa iba’t ibang bayan sa Isabela.
Maaaring maharap ang mga suspek sa paglabag sa Animal Welfare Act of 1998, pati na rin sa illegal discharge of firearm o illegal possession of firearms.
Sa CCTV footage bandang 5:30 a.m. noong Abril 24, makikitang tumatahol ang aso sa dumaraang motorsiklo. Lumilitaw na nairita ang mga rider, bumalik, at binaril ang aso na kalaunan ay namatay dahil sa tinamong sugat.
Aminado ang may-ari ng aso na hindi ito naka-tali, ngunit iginiit niyang hindi ito dahilan para patayin ang hayop.
“It is not right and never justifiable to shoot a dog to death,” ayon kay Jesslyn Laddaran.
Ayon pa sa pulisya, kahit may ordinansa na kailangang naka-leash ang aso, dapat sana ay ini-report na lamang ito sa barangay o sa may-ari imbes na gumamit ng dahas. RNT/MND