AGUSAN DEL SUR- Patay ang dalawang lider ng New People’s Army matapos makasagupa ang militar noong Miyerkules sa bayan ng Prosperidad.
Ang mga nasawi ay kinilala sa pangalang Joven, commanding officer ng Regional Sentro de Gravidad of the Communist Party of the Philippines-NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, at vice commanding officer nitong si Garing.
Ayon kay Capt. Arc F. Jayson, commanding officer ng civil-military operations officer 401st Infantry (Unite N’ Fight) Brigade, naganap ang engkwentro noong Pebrero 12, 2025, sa Barangay San Lorenzo, Prosperidad, Agusan del Sur.
Sinabi ni Jayson, nakatanggap sila ng report mula sa mga residente sa naturang lugar hinggil sa presensya ng bandidong grupo na nangingikil.
Agad na inilatag ang operasyon laban sa mga bandidong grupo na nauwi sa 15-minutong palitan ng putok na ikinasawi ng dalawa.
Narekober ng militar sa lugar ng bakbakan ang bangkay ng dalawa, (2) backpacks, handheld radio, (2) Nokia cellphones, blasting caps, grenade, claymore mine, medical supplies, at mga subersibong dokumento.
Pinuri naman ni Col. Emil Cruz, commanding officer ng 401st Brigade, ang tropa ng militar sa matagumpay na operasyon.
Hinikayat ni Cruz ang mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko at mamuhay ng payapa.
“We remain committed to ensuring the safety and security of our community. “This successful operation is a testament to the support of the local residents who stand alongside us in our shared quest for a peaceful and progressive life for all of us,” ani Cruz.
Patuloy namang tinutugis ng militar ang mga tumakas na rebelde. Mary Anne Sapico