Home NATIONWIDE 2 local school bills na inisponsoran ni Bong Go, aprub sa Senado

2 local school bills na inisponsoran ni Bong Go, aprub sa Senado

MANILA, Philippines – Tungo sa pagpapabuti ng educational access sa Davao Oriental, dalawang mahalagang local school bills na inisponsoran ni Senator Christopher “Bong” Go ang matagumpay na nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Miyerkules.

Bilang tagapangulo ng Senate youth committee at miyembro ng Senate committee on basic education, lubos na pinasalamatan ni Go ang kanyang mga kapwa senador sa kanilang nagkakaisang pagsuporta para maaprubahan ang mga panukalang batas na pakikinabangan sa Davao Oriental. Nangangahulugan na ang sama-samang pagsisikap at pagkakaisa ng mga mambabatas ay upang mapabuti ang edukasyon para sa lahat.

“Ang ating kabataan ang pag-asa at future leaders ng ating bayan at edukasyon ang susi sa mas magandang kinabukasan,” ani Go.

Ang House Bill No. 9890 na magtatatag sa Surop National High School, at House Bill No. 9891 para sa pagtatayo ng Tiblawan National High School, kapwa sa bayan ng Gobernador Generoso, ay magbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga kanayunan sa Davao Oriental.

Ang mga paaralang ito ay magsisilbing kritikal na sentro para sa pag-aaral, pagpapatibay sa akademiko at personal na paglago ng mga kabataan sa nasabing komunidad.

“Ang edukasyon ay hindi lamang para sa mga nasa sentro ng bayan kundi pati na rin sa mga nasa liblib na lugar. Ang mga kabataan sa Surop at Tiblawan ay nararapat na magkaroon ng oportunidad na makapag-aral at magtagumpay sa buhay,” idiniin ni Go.

Sinabi ni Go na ang pagkakaroon ng sariling
paaralan sa mga nasabing barangay ay hindi lamang magbibigay ng edukasyon sa mga kabataan kundi mag-aangat din ng antas ng kabuhayan ng mga pamilya at komunidad.

“Malaki ang magagawa ng edukasyon para sa pag-unlad ng bawat isa at ng buong bayan,” idinagdag ni Go.

Kilala si Go sa kanyang adbokasiya para sa edukasyon at kabataan.

Batay sa mga tagumpay ng Republic Act No. 10931, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, iniakda at inisponsora din ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 1360 na layong palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES).

Co-author at co-sponsor din siya sa RA 11510, na nag-institutionalize sa Alternative Learning System (ALS) upang mapabuti ang paghahatid ng basic education sa mga estudyanteng kulang sa serbisyo at disadvantaged. RNT