Home NATIONWIDE 2 mangingisda patay sa banggaan ng bangka sa Bohol

2 mangingisda patay sa banggaan ng bangka sa Bohol

MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang mangingisda sa banggaan ng mga bangka sa katubigang sakop ng Bien Unido, Bohol.

Ayon sa Bohol Police Provincial Office (BPPO), ang insidente ay iniulat na nangyari alas-5 ng umaga noong Mayo 2, 2025.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang mga mangingisda ay mula sa Malingin Island, Bien Unido.

Isa sa mga mangingisda ay nadala pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ang kasamahan naman nito na naunang iniulat na nawawala ay kalaunang nakuha ng search-and-rescue team mula Bien Unido.

Batay sa imbestigasyon, ang mga lalaki na sakay ng pulang motorbanca, nang bumangga ito sa berdeng motorbanca ay agad na umalis matapos ang insidente.

Ipinag-utos na ni Police Colonel Arnel Banzon, BPPO director, sa lahat ng chiefs of police sa munisipalidad ng Bien Unido, Carlos P. Garcia, Ubay, at Talibon na magsagawa ng information verification at joint investigation sa insidente.

Nagpasalamat naman si Police Lt. Col. Norman Lobrigas Nuez, spokesperson ng BPPO, sa mga concerned citizen na nag-ulat ng insidente sa pulisya at tumulong sa search-and-rescue operations. RNT/JGC