Home TOP STORIES Aquino No. 2 sa Publicus Asia senatorial survey; No. 1 sa buong...

Aquino No. 2 sa Publicus Asia senatorial survey; No. 1 sa buong Luzon

Naghain si dating Senador Bam Aquino ng kanyang certificate of candidacy para tumakbo bilang senador. CESAR MORALES

Mula sa ikatlong puwesto sa unang quarter ng taon, umakyat si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino sa No. 2 sa pinakabagong survey ng Publicus Asia.

Nakakuha si Aquino ng 41 porsiyento sa survey na ginawa noong Mayo 1, 2025 na may 3,000 respondents, mataas ng walong puntos sa nakuha niyang 33 porsiyento noong first quarter ng 2025.

Nanguna si Aquino sa National Capital Region (50 porsiyento), North-Central Luzon (41 porsiyento), at South Luzon (49 porsiyento), at pangatlo sa Visayas (40 porsiyento).

Nagpasalamat kamakailan si Aquino sa kanyang mga tagasuporta at volunteer sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sa pagsasabing ang kanyang pag-angat sa survey ay resulta ng kanilang sipag at dedikasyon.

Sa huling linggo ng kampanya, nangako si Aquino na paiigtingin pa ang pag-iikot at pag-abot sa mas marami pa nating kababayan.

Kapag muling nahalal sa Senado, nangakong palalawakin ni Aquino ang Free College Law—na kanyang isinulong sa Senado bilang principal sponsor—upang mas maraming estudyante ang makinabang, at itutulak ang garantisadong trabaho para sa mga Pilipino. RNT