
GUSTO mang umuwi ang maraming overseas Filipino worker sa Israel ngunit naiipit na sila sa mabangis na labanan sa pagitan ng Israel at Iran.
Isa sa mga posibleng daanan nila palabas ang bansang Jordan at Egypt na mga katabi ng Israel na bukas ang mga paliparan ngunit hindi ganoon kadali ang lahat.
Pupwede rin umano sa Cyprus ngunit kailangan nilang magbarko.
Sarado ang lahat ng paliparan at puerto ng Israel ngayon.
Naiulat namang may tatlong municipal mayor sa Visayas at 14 pang lokal na opisyal ang naiipit din at hindi basta makauwi sa bansa ngunit hindi pinangalanan ang mga ito.
Swerte ang 50 OFW na nakauwi na at nasa 100 naman ang hindi pa malaman ng Philippine Embassy kung paano sila pauwiin.
2 KRITIKAL, 14 PANG SUGATAN
Samantala, may dalawa nang kritikal na Pinoy sa pagkakasugat sa mga bumagsak na missile sa Israel mula sa Iran habang 12 ang nasugatan at nasa mas magaan ang kalagayan.
Ang masama pang balita, sinisisi ngayon ng pamahalaang Israel ang lahat ng namamatay at nasusugatan, sa katigasan umano ng ulo ng mga ito na makinig sa panawagang magtago sa mga bunker.
Matatandaang may mga laman ang mga tahanan at matataas na gusali na natatamaan ng mga drone at missile ng Iran at marami ang hinuhukay sa mga bumagsak o nawawasak na ito.
May 24 nang namamatay at nasa 500 na ang nasusugatan sa Israel.
Sa Iran, walang balita sa nasa 1,000 Pinoy habang sinasabing marami na ang nagigibang mga tahanan at istruktura sa sunod-sunod na pagbomba, pag-missile at pag-drone ng Israel.
Halos 300 na umano ang patay sa Iran at umaabot na sa libo umano ang nasusugatan.
2 MEDIAMEN PATAY SA IRAN
Isa rin sa pinakamahalagang usapin sa giyera ngayon, para sa mediamen, ang pagdurog sa media sa pamamagitan ng pagpatay sa mga ito o pagwasak sa kanilang mga istasyon o pagpapalayas sa kanila kahit saan.
Dalawa na ang patay sa Iran nang bombahin ng Israel mismo ang 4-palapag na gusali ng Iran state broadcaster IBIR o Islamic Republic of Iran Broadcasting sa Tehran.
Kinilala ang mga namatay sina Nima Rajabpour, a news editor, at Masoumeh Azimi, administrative staff member ng IBIR, ayon sa IRNA, news agency ng Iran.
Pinalalayas naman ng Israel ang lahat ng mediamen na naglalabas ng mga balita sa mga sensitibong pasilidad katulad ng tinamaan ng missile na planta ng langis at kuryente sa Haifa.
Ngayong dinudurog ang Tehran, nangangamba naman ang Committee to Protect Journalists na matulad ang mediamen sa Iran at Israel sa nagaganap sa giyerang Gaza na may 178 madiamen nang napapatay, karamihan sa kamay ng Israel.
Pinagsususpetsahan ng Israel ang mga journalist na tagapagsalita ng kanilang mga kaaway, at nauulit ang katwirang ito sa Iran, kaya binomba nila ang IBIR.
Ipagdasal natin, mga Bro, ang mga Pinoy, mediamen at inosenteng sibilyan sa bloodbath sa Iran at Israel.