Home METRO 2 minolestyang bebot, nareskyu; 2 suspek timbog

2 minolestyang bebot, nareskyu; 2 suspek timbog

233
0

MANILA, Philippines – Patung-patong na kaso ang kinahaharap ng dalawa sa tatlong suspek na diumano’y gumahasa at kumidnap sa dalawang babaeng biktima na nasagip sa isang motel sa Pasay nitong Martes ng hapon, Setyembre 23.

Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspek na sina alyas Ryan, 39, residente ng Estrella St., Barangay 14, Pasay City, at alyas Jonnard, 38, ng Dalandan St., T. Alonzo Extension, West Rembo, Taguig City. Patuloy namang tinutugis ang ikatlong kasabwat na hindi pa nakikilala.

Batay sa report na natanggap ni De Sesto, unang nadakip si alyas Ryan bandang alas-2:20 ng hapon sa SOGO Hotel na matatagpuan sa Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City.

Ayon sa sinumpaang salaysay ng mga biktimang sina alyas Editha, 33, ng Kuyegkeng St., Barangay 1, Pasay City, at alyas Kylie, 34, online seller, ng Fairview, Quezon City, bandang alas-2:30 ng madaling araw ay magkasama silang kumain kasama ang ilang kaibigan sa isang Jollibee branch sa Makati City nang lapitan sila ng tatlong suspek.

Inimbita ng mga suspek ang mga biktima na mamasyal at mag-ikot-ikot. Sumang-ayon ang dalawa at sumakay sa isang kulay itim na Toyota Fortuner (AQA 8269). Ilang minuto matapos makasakay, nakaramdam ng takot ang mga biktima at nakiusap na bumaba ngunit hindi sila pinayagan.

Ayon kay De Sesto, sinubukan pa ni alyas Kylie na pasimpleng kumuha ng video gamit ang cellphone ngunit nabisto siya ng isa sa mga suspek kaya’t kinumpiska ang kanilang mga cellphone.

Nagawa pa umanong makapag-withdraw ng halagang P18,000 ang isa sa mga suspek mula sa online banking account ni alyas Editha gamit ang cellphone ng biktima.

Dakong alas-5:40 ng umaga, pumasok ang SUV sa SOGO Hotel sa Roxas Boulevard. Nag-check-in si alyas Ryan kasama si alyas Editha habang umalis ang SUV na minamaneho ni alyas Jonnard kasama sina alyas Kylie at isa pang suspek.

Napansin ng hotel supervisor na si Felix Ner, 35, ang pag-alis ng SUV at bilang pagsunod sa polisiya ng hotel ay agad niyang pinuntahan ang kuwartong pinasukan nina Ryan at Editha upang i-check ang seguridad.

Nang makapasok si Ner, nadatnan niyang duguan ang biktima dahil sa pambubugbog ng suspek kaya’t agad niya itong ini-report sa Police Sub-Station 1, na nagresulta sa pagkakadakip kay Ryan.

Sa tulong ng asawa ni alyas Ryan, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton si alyas Jonnard. Kasabay nito ay nailigtas si alyas Kylie bandang alas-5:00 ng hapon sa SOGO Hotel Buendia Branch sa Pasay City.

Si alyas Ryan ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Article 267 ng RPC (Serious Illegal Detention), Article 294 ng RPC (Robbery with Violence or Intimidation), at Section 6 ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) na may kaugnayan sa Article 294 ng RPC (Robbery).

Samantala, si alyas Jonnard ay sasampahan ng kasong Article 267 ng RPC (Serious Illegal Detention), Article 294 ng RPC (Robbery with Violence or Intimidation), Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) na may kaugnayan sa Article 294 ng RPC (Robbery), at RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here