Home METRO 2 most wanted tiklo sa magkahiwalay na police ops sa Muntinlupa

2 most wanted tiklo sa magkahiwalay na police ops sa Muntinlupa

MANILA, Philippines- Dalawang top most wanted person (MWP) ang inaresto ng mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) ng Muntinlupa City police Huwebes ng hapon, Peberero 27.

Kinilala ng Muntinlupa City police ang mga nadakip na suspek na sina alyas Ricardo, 23, tricycle driver, Top 9 MWP at isang alyas Cesar, 41, na tinaguriang Top 10 MWP na kapwa residente ng Barangay Alaban, Muntinlupa.

Base sa report na isinumite ng SIS, unang nadakip si alyas Ricardo dakong alas-4 ng hapon sa Barangay Bayanan, Muntinlupa City.

Si alyas Ricardo ay inaresto sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng SIS na inisyu noong Enero 28, 2025 ni Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Liezel A. Aquiatan ng Branch 205.

Matapos ang kanyang pagkakaaresto ay dinala si alyas Ricardo sa City Health Center para sumailalim sa medical examination bago ito dinala sa custodial facility ng Muntinlupa City police.

Bandang alas-9:50 ng gabi ay trinabaho rin ng mga miyembro ng SIS si alyas Cesar na nadakip sa kahabaan ng Montillano Street, Barangay Alabang, sa bisa ng arrest warrant na inisyu naman ni RTC Presiding Judge Abraham Joseph B. Alcantara ng Branch 204 sa ilalim ng Criminal Case No. 23-642.

Isinagawa naman ang medical check-up ni alyas Cesar sa Ospital ng Muntinlupa bago ito dinala sa custodial facility ng SIS habang naghihintay ng kani-kanilang commitment order na manggagaling sa korte para sa paglilipatan ng kanilang pagkukulungan sa Muntinlupa City jail.

Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 11 Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) director PBGen Manuel J. Abrugena ang mga tauhan ng SIS at sinabing, “The arrest of these wanted individuals reflects our police force’s strong commitment to keeping our communities safe. We remain firm in our mission against illegal drugs and crime. I commend our operatives for their professionalism and urge the public to support law enforcement by reporting any suspicious activities.” James I. Catapusan