MANILA, Philippines- Tatlong air-conditioning repairmen ang inaresto ng mga miyembro ng Pasay City police MOA Substation dahil sa tangkang pagpuslit ng mga cellular phones at laptop mula sa ipinasarang Philippine Offshore Gaming Office (POGO) hub sa lungsod nitong Huwebes, Pebrero 27.
Sa report ng Pasay City police ay kinilala ang tatlong suspek na sina alyas Norman, alyas Reniel, at isang alyas Antonio, kapwa mga airconditioning maintenance workers.
Base sa imbestigasyon, naging alerto ang mga pulis ng MOA Substation nang makita ng mga ito ang tatlong suspek na patakas at sumabay sa mga nahuling POGO workers na dala ang kanilang mga kagamitan at isang vacuum cleaner.
Nang masita ang mga suspek at nagsagawa ng pagsisiyasat ay natuklasan ang cellular phones at isang laptop sa loob ng vacuum cleaner na may kabuuang halaga na P220,000.
Agad na dinala sa Pasay City police Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang mga suspek para sa paghahanda ng kasong isasampa laban sa mga ito.
Matatandaang kabilang si City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz at mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsagawa ng raid sa illegal POGO hub.
Sa naturang raid ay nadakip ang 455 indibidwal kung saan 404 sa mga ito ay mga banyaga na kinabibilangan ng Chinese, Indonesian, Malaysian, Korean at Vietnamese habang 51 naman ay mga Pinoy.
Ang sinalakay na POGO hub ay sangkot sa love, cryptocurrency at investment scams na agad na ipinasara ng lokal na pamahalaan. James I. Catapusan