Home NATIONWIDE 2 natitirang Pinoy sa missile-hit ship ng Houthi, balik na sa...

2 natitirang Pinoy sa missile-hit ship ng Houthi, balik na sa Pilipinas

MANILA, Philippines – Nakabalik na sa bansa ang dalawang natitirang Filipino crew members ng MV True Confidence, ang merchant ship na inatake ng Houthi rebels habang nasa Gulf of Aden noong Marso 6.

“They arrived via a chartered medical evacuation flight at 6:45 this morning, 14 March 2024,” saad sa pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ang dalawa ay nagtamo ng serious injuries dahil sa missile attack na kalaunan ay binigyan ng “fit to travel” clearance ng medical authorities sa Djibouti nitong Miyerkules.

Dinala sa ospital ang dalawa kung saan nila nakasamang muli ang kani-kanilang pamilya. Doon na rin ipagpapatuloy ng dalawa ang kanilang pagpapagaling.

Nitong Martes, dumating ang unang batch ng 11 Filipino crew members ng MV True Confidence. Isa sa mga ito ang nagtamo ng minor injuries.

Sa ulat, dalawang Filipino ang nasawi at tatlo ang nasaktan sa pag-atake.

Samantala, inaasahan na makukuha na ang labi ng dalawang Pinoy seafarers sa oras na makarating sa Oman ang kanilang barko, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na sakay pa rin ng MV True Confidence ang labi ng dalawang biktima, na hinahatak na papunta sa pantalan sa Oman. RNT/JGC

Previous articleWorld Aquatics hanga sa PH hosting ng Asian Age Group Championships
Next articleLeBron, Lakers giniba ng Kings