MANILA, Philippines – Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na amyendahan ang mga malabong probisyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises, o CREATE Act, upang matugunan ang mga isyu tulad ng kawalan ng kalinawan sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas.
Naghain si Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ng Senate Bill No. 2654 na tinatawag na Enhancing Philippine Tax Incentives o CREATE More.
“Layon ng panukalang batas na linawin ang mga tuntunin at patakaran sa pangangasiwa ng fiscal regime incentives sa pag-asang magbibigay daan ito para sa mas matatag na investment climate at makaakit ng mga bagong mamumuhunan,” aniya.
Sinabi ni Gatchalian na tatlong taon na kasi matapos maipasa ang CREATE law, na isinabatas noong Pebrero 2021, hindi pa rin malinaw ang IRR nito hinggil sa tax liabilities ng registered business enterprises (RBEs).
Ayon pa sa senador, ilan sa mga pangunahing problema sa pagpapatupad ng CREATE law ang entitlement sa VAT-zero rating sa local purchase incentives na nagrerequire sa taxpayer na patunayan na ang mga naturang pagbili ay “direkta at eksklusibong” ginagamit sa kanilang mga rehistradong aktibidad.
Nagbibigay ito ng malawak na diskresyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kung ano ang dapat isaalang-alang na “direkta” at “eksklusibo”, na nagreresulta sa pagpataw ng 12% VAT sa local purchases, sabi ni Gatchalian.
Ang isa pang isyu ay ang pagtanggi sa mga kahilingang payagan ang mga work-from-home arrangement para sa mga RBE sa sektor ng information technology at business process management (IT-BPM), na itinuturing na mahalaga para sa employee attraction at retention.
Dagdag pa niya, ang mga korporasyon ay nahaharap din sa pagkaantala ng pagtanggap ng mga VAT refund, na nagiging dahilan para sa ilang kumpanya na mag-withdraw sa merkado, sabi ni Gatchalian.
“Kahit na naisumite na ang kinakailangang papeles, patuloy na itinatanggi ng BIR ang pag-iisyu ng rebate sa dahilang hindi malinaw na nakasulat ang mga tuntunin sa umiiral na mga batas sa pagbubuwis,” aniya.
Upang maresolba ang mga naturang isyu, layon ng panukalang CREATE More na amyendahan ang applicability ng VAT exemption sa importasyon ng capital equipment, raw materials, spare parts, at accessories, at payagan ang RBE sa sektor ng IT-BPM na magtatag ng telecommuting program kabilang na ang work-from-home arrangement sa loob ng freeport zone upang saklawin ang hindi hihigit sa 50% ng kabuuang workforce, at ilipat ang mandatong pagpoproseso ng VAT refund claims sa Revenue Operations Group sa ilalim ng Department of Finance mula sa BIR, ayon pa kay Gatchalian. Ernie Reyes