MANILA, Philippines- Patay ang dalawang pulis matapos mabaril ng pinaghihinalaang armadong tulak sa kanilang isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Bocaue.
Kinilala ang napatay na biktimang pulis na sina PSSg Dennis Cudiamat at PSSg Gian Dela Cruz, kapwa miyembro ng PNP at residente ng Brgy. Poblacion.
Sa report ng Bocaue police station, naganap ang insidente nitong tanghali ng Marso 8 sa Sitio Tugatog, NIA road, Brgy. Tambubong.
Ayon sa report, sa kasagsagan ng operasyon ay bigla na lamang namaril ang suspek na tumama sa ulo ni Cudiamat at agarang ikinamatay nito.
Samantala, si Dela Cruz na may tama rin ay isinugod sa ospital subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Nabatid sa report na bago tumakas ang mga suspek sa direksyon patungong bayan ng Pandi ay nagawa pa nilang kunin ang armas ng mga biktima.
Sinusulat ito, sinasabing hawak ng mga awtoridad ang isa sa suspek habang tinutugis pa ang kanyang kasamahan. Dick Mirasol III