Home NATIONWIDE 2 patay, 1 sugatan sa tumaob na elf truck

2 patay, 1 sugatan sa tumaob na elf truck

SOLANO, Nueva Vizcaya – Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang isa pa na pawang lulan ng isang Isuzu elf truck matapos itong tumaob at bumangga sa puno sa kahabaan ng Brgy. Bangar, Solano, Nueva Vizcaya.

Una rito, patungong hilagang direksyon ang truck at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper sanhi para tumaob ang truck bago bumangga sa puno.

Dahil sa pagtaob, naipit ang dalawang pahinante na edad 33-anyos at 43-anyos na kapwa residente ng Brgy. Abian, Bambang, Nueva Vizcaya.

Bagamat agad rumesponde ang BFP at PNP, ay idineklarang dead on arrival ang dalawang pahinante samantalang sugatan naman ang driver.

Sa imbestigasyon ng pulisya nawalan ng preno kung kaya’t nawalan na rin kontrol sa manibela ang nasabing tsuper. REY VELASCO