DIFFUN, Quirino – Puno ng pighati at pagdadalamhati habang pinaglalamayan ng mga magulang ang sinapit ng apat na paslit na mag-anak matapos silang malunod habang naliligo sa kagagawa lamang na fishpond sa Barangay Bannawag, Diffun, Quirino.
Ang nasawi ay ang magkapatid na residente ng La Paz, Saguday, Quirino at magpinsan na residente ng Barangay Bannawag, Diffun, Quirino.
Ayon sa mga magulang ng mga biktima pasado alas-2 ng hapon ay naglalaro pa ang mga ito sa kanilang bahay subalit pasado alas-3:00 ng hapon nang hindi na nila ito mahagilap.
Inutusan umano ng isa sa mga magulang ang anak nito na hanapin ang kaniyang kapatid subalit hindi nakita.
Dito na sila nagtungo sa bukid kung nasaan ang ginagawang fishpond na may habang 15 metro at lalim na humigit kumulang 3 metro kung saan tumambad sa kanila ang wala nang buhay na mga biktima na palutang-lutang sa tubig.
Halos gumuho ang mundo ng mga magulang ng apat na paslit nang makita na nagtutulong-tulong na ang mga tao sa lugar para irescue ang mga batang nalunod.
Napag-alaman bago ang insidente ay sumakay pa umano ang mga bata sa isang kariton papunta sa fishpond at naligo subalit hindi umano alam ng mga biktima na malalim ang fishpond.
Samantala, posibleng sa init ng panahon na nararanasan ay siyang dahilan para maligo ang mga biktima kung paalala sa publiko laging gabayan ang mga anak kapag nasa labas na ng kanilang tahanan lalo sa mga pumupunta sa ilog. REY VELASCO