Home HOME BANNER STORY 2 patay sa paputok, ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon...

2 patay sa paputok, ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon – PNP

MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi dahil sa paputok at ligaw na bala kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon, iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 1.

Sa update ng PNP nitong alas-6 ng umaga, sinabi na 509 katao ang nasaktan dahil sa paputok at isa naman ang sugatan dahil sa ligaw na bala.

Sinabi naman ng Department na mayroon silang naitalang 116 bagong biktima ng paputok na isinugod sa mga ospital mula alas-6 ng umaga ng Disyembre 31 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 1.

Isa naman ang nasaktan dahil sa pagpapaputok ng baril.

Naitala ng PNP ang 13 insidente ng illegal discharge of firearms, at 13 suspek ang naaresto habang walong armas ang nakumpiska na.

Sa insidente sa Zamboanga nitong Linggo, isang pulis ang sangkot. Ayon sa pulisya, lasing ang pulis na ginamit ang kanyang baril sa likod ng kanilang barracks.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang pulis at mahaharap sa criminal at administrative charges na posibleng ikatanggol niya sa serbisyo.

Dahil din sa illegal na paputok, 26 katao ang arestado. Nakumpiska ang nasa 193,320 piraso ng illegal na paputok na nagkakahalaga ng P3,694,794.50. Karamihan sa mga ito ay Judas’ belt, five star, piccolo, at kwitis.

Mahaharap ang mga lumabag sa isang taong pagkakulong, multang hanggang P30,000 at kanselasyon ng kanilang lisensya at business permits.

Dalawa naman ang nasawi sa dalawang magkahiwalay na insidente ng sunog dahil sa paputok. Siyam ang sugatan sa mga insidenteng ito, ayon pa sa PNP.

Ani PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, sa kabila nito ay “generally peaceful” ang selebrasyon ng Bagong Taon.

“Naging mapayapa naman pangkalahatan nationwide iyong ating naging monitoring po sa pagsalubong po ng Bagong Taon,” ani Fajardo.

Mananatili ang kanilang heightened alert status hanggang sa susunod na linggo. RNT/JGC