MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang dalawang Filipino na na-recruit bilang love scammer sa Cambodia.
Nakauwi na sa bansa nitong Sabado, Abril 5, ang dalawang biktima.
Sa ulat, ang dalawang Pinoy, isang lalaki at isang babae, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport nitong Sabado.
Nasagip ng Philippine Embassy sa Cambodia ang dalawa mula sa scam farm kung saan umano ikinulong ang mga ito.
Anang isa sa mga biktima, inalok sila ng trabaho sa call center sa Thailand sa sahod na $1,000 ngunit bigla na lamang silang dinala sa scam farm sa Cambodia kung saan sila nakaranas ng torture.
“Ayaw po nila kami pauwiin. Sabi po nila papatayin daw po nila kami kapag nagsumbong kami sa inyo kasi yung mga nasa taas daw ay nasa triad, sindikato raw po. Tulungan nyo po kami, please po… Gusto na naming umuwi,” pahayag ng biktima sa panayam ng GMA News.
Dagdag pa ng biktima, kapag hindi sila nakakakumbinsi ng mga foreigner na mabibiktima sa scam sa isang araw ay papaluin sila at tutusukin pa ang kanilang mga kamay.
Sasailalim sa interview ang dalawang biktima kasama ang Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation (NBI), at IACAT upang matukoy kung paano sila nirecruit bilang mga scammer. RNT/JGC