Home METRO 2 PNP official patay matapos makipagbarilan sa abogado

2 PNP official patay matapos makipagbarilan sa abogado

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang opisyal ng Philippine National Police matapos na pagbabarilin ng isang abogado na nasawi rin sa naganap na encounter sa isang subdivision sa Barangay Maitim 2nd Central Tagaytay City nitong Linggon, Setyembre 1.

Ipinag-utos na ni Police Regional Office (PRO) Calabarzon Regional Director Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas ang malalimang imbestigasyon ukol sa nasabing encounter.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Police Captain Adrian Binalay ng CIDG-NCR at Police Captain Tomas Ganio Batarao Jr, ng Calamba City Police Station, at ang suspek na abogadong kinilalang si Atty. Dennis Santos.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo ang dalawang pulis at ang mga kasama nilang sibilyan sa Prime Peak Subdivision para magtanong tungkol sa kanilang bibilhing lote dakong alas 2:00 ng hapon.

Pagpasok ng grupo sa subdivision, bigla na lamang umano silang pinaputukan ng abogado mula sa kanyang sasakyan

Gumanti naman ng putok ang mga pulis.

Dead on the spot si PCPT Binalay, samantalang isinugod pa sa ospital sina PCPT Batarao at ang suspek, subalit parehong idineklarang dead on arrival ang mga ito.

Dalawa pa sa mga kasama ng suspek ang tinamaan din at naaresto ng mga awtoridad sa isang ospital sa Tagaytay na kinalalang sina Elver Mabuti at Benedicto Hebron, na umano’y retiradong Sheriff.

Nabatid na residente sa nasabing subdibisyon si Atty Santos.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na away sa lupa umano ang hinihinalang motibo ng pamamaril. Margie Bautista