MANILA, Philippines- Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng South Korean national makaraang tangkain nilang palawigin pa ang kanilang tourist visa sa punong tanggapan ng ahensya sa Maynila noong Setyembre 26.
Ayon kay Raymond Remigio, pinuno ng tourist visa section ng BI, ang mga Korean national na sina Lee Wonwoong, 33 at Huh Hwan, 60, ay pinigil habang isinasagawa ang mga regular na pagsusuri sa database ng Immigration Officer.
Nabatid sa BI na ang dalawang nasabing dayuhan ay nadiskubreng may mga active derogatory records sa pamamagitan ng sentralisadong database ng BI sa panahon ng kanilang mga aplikasyon sa pagpapalawig ng visa.
Dahil dito, agad silang inaresto ng fugitive search unit (FSU) ng BI matapos maglabas ng mission order ni BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado.
Si Lee ay iniulat na nahaharap sa mga kaso sa South Korea para sa pagpapatakbo ng mga ilegal na establisyimento ng sugal habang si Huh ay sinasabing pinaghahanap para sa maraming kaso ng pandaraya.
Sina Lee at Huh ay dinala sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon. JAY Reyes