CALOOCAN – Nahaharap sa pagsibak at mga kasong kriminal ang dalawang aktibong pulis na nakatalaga sa Caloocan City Police Station matapos maaresto sa buy-bust operation dahil sa umano’y pagbebenta ng mga baril na walang lisensya, ayon sa Philippine National Police nitong Huwebes.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may ranggong Staff Sergeant at Master Sergeant ang mga suspek, na inaresto dakong alas-5:30 ng umaga matapos makipagkita sa isang sibilyang poseur-buyer para sa bentahan.
Nahaharap sila sa paglabag sa Sections 28 at 29 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, bukod pa sa mga kasong administratibo.
“I-dismiss ko yung pulis at idi-dismiss din ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Maj. Gen Anthony Aberin not only for criminal cases, but administrative cases shall be filed at putol na kaagad yung suweldo nito. Alaws- P or absence of leave without pay,” pahayag ni Nartatez.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang PNP-issued firearms: isang Pietro Beretta Model 92 DS 9mm pistol na may magazine at 10 bala, at isang Taurus 9mm pistol na may dalawang magazine at 35 bala.
Nasamsam din ang isang .38-caliber revolver na may dalawang bala, isang 12-gauge shotgun na may apat na bala, isang tunay na ₱500 bill at dalawang boodle na ₱1,000 bills na ginamit bilang buy-bust money, dalawang mobile phone at dalawang motorsiklo.
Dinala ang mga suspek sa Caloocan Police Station para sa dokumentasyon at isasailalim sa inquest proceedings sa korte sa Caloocan. RNT