Home METRO 2 sugatan sa road rage sa Mandaluyong

2 sugatan sa road rage sa Mandaluyong

MANILA, Philippines- Nauwi ang road rage incident sa Mandaluyong City sa shooting incident kung saan nasugatan ang dalawang empleyado ng restaurant bago mahuli ng mga pulis ang suspek na nabaril habang nanlalaban habang inaaresto.

Batay sa ulat nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang dalawang kotse na mabilis na binabagtas ang Barangay Addition Hills bago mag-u turn ang sasakyan sa harap malapit sa F. Martinez Street.

Habang lumiliko ang naunang sasakyan sa kabilang lane, ibinaba ng driver ng ikalawang sasakyan ang kanyang bintana at binaril ang unang sasakyan. Nagmaneho ang suspek patungo sa Shaw Boulevard at Kalentong.

“Nagkagitgitan lang, nagkayabangan dahil pareho ang sasakyan nila na naka-setup… Maluwag ang kalsada, nagkakahabulan,” pahayag ni Mandaluyong Police Assistant Chief Police Lieutenant Colonel Robert Delos Reyes.

Tumama ang ligaw na bala sa balikat ng isang babaeng empleyado at sa paa ng isang delivery rider na kumakain.

Dinala ang mga biktima sa ospital at nasa mabuting kalagayan na.

Samantala, natukoy naman ng Mandaluyong Police ang dinaanan ng suspek sa mga lungsod ng Makati at Maynila gamit ang traffic cameras.

Natunton ng arresting team ang suspek sa loob ng Intramuros.

“Pinaandar niya yung sasakyan, then hanggang sa hinabol at na-corner… Tumigil naman pero nag-resist,” ani Delos Reyes.

Kasalukuyang nagpapagaling ang suspek na nabaril sa balikat, sa ospital.

Nasabat ng mga awtoridad ang .45 caliber handgun at hinihinalang party drugs mula sa sasakyan ng suspek.

Sinabi ni Eastern Police District Director Police Brigadier General Wilson Asueta na naghain sila ng three counts ng frustrated homicide, direct assault, illegal possession of firearms, paglabag sa Dangerous Drug Law at resistance to agents of authorities laban sa suspek. RNT/SA