Home METRO 2 suspek sa pagpatay sa babaeng kinarton, timbog na!

2 suspek sa pagpatay sa babaeng kinarton, timbog na!

CEBU CITY- NAHULI ng mga awtoridad ang dalawang suspek na pinaniniwalaan pumatay sa 19-anyos na babaeng si Rhea Mae Tocmo na isinilid sa karton ang bangkay sa Cebu City.

Kinilala ni Lieutenant Colonel Janette Rafter, deputy director for operations ng Cebu City Police Office (CCPO), ang mga suspek na sina Simeon Cabutero, 22-anyos at Roberto Gabison, alyas Intsik.

Ayon kay Rafter, ilang residente ang humingi ng tulong sa tanggapan ng Guadalupe Police Station hinggil sa armadong lalaki sa Sitio Sampaguita, Barangay Guadalupe.

Pagdating sa nasabing lugar nahuli si Cabutero at nakuhanan pa ito ng illegal na droga na siya rin nagbenta ng cellphone ni Tocmo.

Inamin ni Cabutero ang pagkakasangkot niya sa iligal na droga subalit itinanggi niyang sangkot sa pagpatay kay Tocmo at itinuro nito si Gabison na siyang nag-utos sa kanyang magbenta ng cellphone ng biktima at siya rin ang huling kasama ni Tocmo bago ito natagpuan patay.

Matatandaan na noong Hulyo 17, natagpuan ang bangkay ng biktima sa gilid sa kalsada sa Barangay Tisa, Cebu City.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng kasabwat ng mga suspek sa pagpaslang sa biktima at tunay na motibo habang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek./Mary Anne Sapico