MANILA, Philippines- Nadakip ng Taguig Police ang dalawang suspek sa pamamaril sa barangay desk officer noong Jan. 25.
Naganap ang pamamaril bandang alas-8:20 ng gabi sa Barangay Hagonoy, Taguig. Binaril ng mga suspek ang biktima, 38, isang barangay desk officer ng Hagonoy, sa kanyang kwarto. Tinamaan siya ng bala sa kanyang leeg at balikat. Nasa maayos na kondisyon na ang biktima.
Kasunod ng pamamaril, binusisi ng Taguig Police ang CCTV footage sa lugar. Sinabi ng isang saksi, kinilala sa alyas na Almer, isang e-bike driver, sa mga pulis na sumakay sa kanyang e-bike ang mga suspek. Tumulong siya sa pagtunton sa mga suspek.
Nagresulta ang joint operation ng Taguig Police sa pagkakaaresto sa mga suspek. Nakumpiska ng mga pulis ang .45-caliber pistol na may apat na live ammunition, magazine, isang .38-caliber revolver na may kargang tatlong piraso ng live ammunition.
Nagsampa na ng reklamo ang mga awtoridad laban sa mga suspek para sa frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). RNT/SA