MANILA, Philippines- Timbog ang dalawang babae na nagbebenta umano ng gamot na pampalaglag malapit sa isang pharmacy sa Palanca St., Quiapo, Maynila, araw ng Miyerkules.
Sinasabing nagiging takbuhan ang Quiapo ng ilang may unwanted pregnancy.
Ayon kay P/Lt.Col. John Guiagui–ang officer-in-charge ng District Intelligence Division- Manila Police District, nagsagawa sila ng test buy noong Pebrero 11 at muling nakabili ang poseur buyer ngayong araw na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang babae.
Ang isa sa suspek na 70-anyos ay dating kagawad ng isang barangay sa Caloocan na nahuli noong 2009 sa pagbebenta rin ng gamot na pampalaglag.
Arestado rin ang 37-anyos niyang pamangkin na kasamang nagtitinda.
Ayon kay Guiagui, isang foreign national ang supplier ng gamot at kadalasang bumibili sa Quiapo ay mga menor-de-edad.
Halagang P3,000 ang bentahan ng gamot na kadalasan umanong inirereseta ng doktor bilang lunas sa ulcer.
Katwiran ng pamangkin, inalalayan lamang niya ang kanyang tiyahin sa pagtitinda dahil nahihirapan ito mula sa pagkakaopera ng kanyang balakang.
Ang tiyahin naman ay aminado na bawal ang pagbebenta ng pampalaglag ngunit ito ay nagawa niya dahil sa matinding pangangilangan.
Nahaharap ang magtiyahin sa kasong paglabag sa RA No.9711 o Food and Drug Administration Act of 2009. Jocelyn Tabangcura-Domenden