MANILA, Philippines – Nadakip ang dalawang suspek na nagbenta ng pekeng luxury bag sa isang call center agent sa ikinasang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Station Intelligence Section (SIS) at ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Parañaque City police, sa pakikipagkoordinasyon sa AFP Army Intelligence Regiment Huwebes ng hapon, Pebrero 26.
Sa report ng Parañaque City police ay kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Glenn, 25, at isang alyas Imel, 29, kapwa residente ng Barangay San Isidro, Parañaque City.
Base sa ginawang imbestigasyon ng Parañaque City police, mataugmpay na naisagawa ng ikinasang entrapment operation bandang alas 3:30 ng hapon sa isang restaurant sa Aseana Avenue, Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon sa 29-taong-gulang na biktima, nitong nakaraang Peberero 7 ay binentahan di-umano siya ng mga suspek ng isang “Birkin Hermes” bag sa halagang P700,000 ngunit nang kanyang ipasuri ay kanyang napag-alamang peke pala ito.
Dagdag pa ng biktima na muli siyang kinontak ng mga suspek nitong Pebrero 26 kung saan muli siyang inaalok ng bumili ng isang “Kelly 25 Hermes” bag sa halagang P950,000.
Sa pagkakataong ito ay agad na nakipag-ugnayan ang biktima sa Parañaque City police kung saan ikinasa ang entrapment operation na nagresulta ng pagkakadakip sa mga suspek.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang mga pekeng luxury bags kabilang ang kulay puti at itim na Kelly 25 Hermes bag, Chanel item, Coach bag, at magnifying loupe glass.
Bukod sa mga pekeng bag ay nakalap din sa mga suspek ang mga cellular phones na iPhone 13, Samsung Galaxy 11, Tecno Go Spark 2, iPhone 6, gayundin ang P2,000 marked money na kasama ng 98 piraso ng tig-P1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong estafa sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)